KALIBO, Aklan – Upang masolusyunan ang mga pagbaha sa ilang bahagi ng Boracay, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na balak nilang buksan ang mga kongkretong manhole sa “missing gap” sa Bolabog upang makalabas ang tubig mula sa Laketown area hanggang sa Bolabog pumping station.
Ipinaliwanag ni DPWH-Aklan chief of Planning and Design Section Engr. Fritz Ruiz na ang main drainage line sa main road ay hindi pa konektado sa outfall o lagusan ng tubig at sa drainage project ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).
Nag-deploy rin umano sila ng mga tauhan upang maglinis sa mga baradong manhole inlets at mga natapos ng drainage sa main road at commercial areas.
Ito aniya ang dahilan kon bakit binaha ang mga mababang lugar sa isla may dalawang linggo na ang lumipas kasunod ng halos apat na oras na pag-ulan.
Samantala, ipinasiguro na pabibilisin ang construction ng natitira pang drainage system upang makakonekta sa drainage line sa main road.