CENTRAL MINDANAO – Nagsagawa ang Local Government Unit ng Alamada katuwang ang Department of Trade and Industry (DTI) Negosyo Center ng Operation Timbangan Enforcement and Inspection sa bagsakan center ng bayan na nasa Brgy. Polayagan.
Layon nito na maiwasan ang panloloko ng ilang mga market vendors sa mga kostumers dahil sa maling timbang ng kanilang binibili.
Sa kanilang pag-iikot, may ilang mga nagtitinda rito ang nahuli na gumagamit ng may maling sukat na timbangan na agad kinumpiska ng operating team at dadaan sa calibration.
Papatawan din ang mga nahuling market vendors ng multa dahil sa paggamit nito base sa Republic Act 7394 o ang Consumers Act of the Philippines.
Nanawagan naman ang DTI-Negosyo Center pati na ang lokal na pamahalaan ng Alamada sa mga mamimili na maging mapagmatyag sa mga mapanlinlang na mga market vendors at kung maaari ay sukating muli ang biniling produkto sa ibang timbangan.