LEGAZPI CITY- Nagpatupad na ng decampment sa mga Mayon evacuees sa bayan ng Daraga, Albay.
Pinayagan nang makabalik sa kanilang mga tahanan ang mga residente ng Barangay Mi-si sa naturang bayan matapos ang mahigit tatlong buwan na pananatili sa mga evacuation centers.
Ang naturang mga residente ay ang naninirahan sa 7km hanggang 8km extended danger zone.
Samantala, ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology resident volcanologist Dr. Paul Alanis sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, kinakailangan pa rin na mag-ingat ng mga residente.
Paliwanag nito na kahit pa mababa na ang tsansa na magkaroon ng pagsabog ang Bulkang Mayon ay patuloy pa rin na nakakapagtala ng mga rockfall events at pyroclastic density currents o uson.
Dahil dito ay mahigpit ang paalala ng opisyal sa mga residente na iwasan ang pagpasok sa 6km permanent danger zone upang maiwasan ang anumang hindi inaasahang pangyayari.
Samantala, ang bayan naman ng Camalig ay nanindigan na hindi pa rin magpapatupad ng decampment lalo na ngayon na may binabantayang sama ng panahon.