-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Isinailalim na sa 14 days quarantine period ang ilang medical staff ng Aklan Provincial Hospital.

Ito’y matapos makasalamuha ng mga ito ang isang German national mula sa San Jose, Romblon, na umano’y positibo sa 2019 Coronavirus Disease o COVID-19.

Sa naturang pagamutan kasi dinala ang dayuhan na kaunaunahang kaso ng COVID-19 sa Romblon kaya nagkaroon umano ang mga ito ng close contact sa pasyente.

Kaugnay nito, humingi ng paumanhin si Provincial Health Officer II Dr. Cornelio Cuatchon dahil hindi umano nila alam na admitted sa ospital ang naturang “person under investigation” at naging COVID-19 patient pa.

Iginiit nito na may lapses o kakulangan sa referral ng health workers ng Romblon pagdating sa Kalibo dahil hindi sinabi na may specimen sample na kinuha sa pasyente at ipinadala sa Research Institute for Tropical Medicine.

Sa kabilang dako, nilinaw ni San Jose Mayor Ronnie Samson na ginamot sa Carabao Island district hospital ang banyaga ngunit ni-refer ito sa Kalibo na may kaukulang permiso.