ROXAS CITY – Ilang menor de edad diumano ang nagpositibo rin sa rabies matapos kumain ng kinatay na aso sa Barangay Aranguel, President Roxas, Capiz.
Nabatid na nasa limang taong gulang ang pinakabata sa 24 na katao na pinangangambahang nagkarabies.
Dahil dito ay kaagad na pinabakunahan ng Municipal Health Office ng naturang bayan ang 24 katao na nakakain ng kinatay na aso.
Inihayag ni Barangay Captain Richard Baltar na isinangguni nito sa lokal na gobyerno ng bayan ang pagbili ng anti-rabies vaccine na kaagad in-inject sa mga nakakain ng rabies dog.
Nabatid na na-inject na ang second dose ng naturang bakuna at nakatakda naman sa araw ng Biyernes ang pag-inject ng third at last dose.
Patuloy din ang pag-monitor sa naturang mga indibidwal kung makikitaan ang mga ito ng sintomas ng rabies gaya ng matinding lagnat, kawalan ng gana sa pagkain, pananakit ng mga kasu-kasuan at iba pa.
Kasunod din ng naturang insidente ay magsasagawa ng symposium sa naturang barangay patungkol sa rabies.