Napupuno na raw ang ilang pagamutan sa Metro Manila ng mga pasyenteng may sakit na COVID-19 o pinaghihinalaang kinapitan ng coronavirus.
Ilan sa mga ospital ang nagkumpirma sa Department of Health (DOH) na malapit nang mapuno ay ang kanilang COVID-19 ward at intensive care unit (ICU) beds.
Tinukoy naman ng DOH ang mga sumusunod na ospital na halos mapuno na ang mga kapasidad: Veterans Memorial Medical Center, UST Hospital, University of Perpetual Help Hospital, Tondo Medical Center, Seamen’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, Metro North Medical Center and Hospital, Las Piñas Doctors Hospital, De Los Santos Medical Center, Chinese General Hospital, Medical Center at ang Capitol Medical Center.
Sinasabing nasa 97% na ang okupado na mga COVID beds sa Lung Center of the Philippines, nasa 89% ang East Avenue Medical Center at 83% sa UE Ramon Magsaysay Hospital na pawang nasa bahagi ng Quezon City.
Samantala, nilinaw ng Department of Health na kahit patuloy na tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19 sa bansa ay hindi pwedeng tumanggi ng pasyente ang mga ospital.
Kaya naman hinimok ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire ang mga pagamutan na i-refer na lang sa mga temporary treatment and monitoring facilities ang mga mild at asymptomatic ang level ng impeksyon sa pandemic na virus.
Part po ng ating protocol na kapag mild at asymptomatic, ire-refer po sa temporary treatment and monitoring facility para di po ma-congest ang ating hospitals,” ani Vergeire.