Naglaan na rin ang ilang alkalde sa Metro Manila ng pondo para pambili ng doses ng COVID-19 vaccine para sa kanilang mga mamamayan.
Una rito, naglaan ng P250 million si Manila City Mayor Isko Moreno para sa pagbili ng bakuna kapag mayroon ng go-signal ang national government.
Sinabi ni Moreno na nais nilang makatulong sa national government para masolusyunan ang pagbawas ng kaso ng COVID-19.
Mayroon namang P1 billion na inilaan sa 2021 budget para sa bakuna sa Quezon City, ayon pa kay Mayor Joy Belmonte.
Sinabi ng alkalde, ang pondo ay para sa kasiguraduhan na mababakunahan ang mga mamamayan ng kanilang lungsod.
Mayroon namang P50 million na inilaan ang San Juan City government para sa vaccination program.
Paliwanag ni San Juan City Mayor Francis Zamora na isang back-up na pondo ang nasabing halaga sakaling kapusin ang national government.
Umaabot naman sa P100 million na inilaan sa kanilang 2021 national budget ang Muntinlupa at P250 million na pondo ang lungsod ng Paranaque.