BAGUIO CITY – Ginagamit na bilang rescue boats sa Cagayan Region ang ilan sa mga bangkang ginagamit ng mga turista at lokal na residente na namamangka sa lawa sa sikat na Burnham Park dito sa Baguio City.
Boluntaryong ipinahiram ni Vivian Celso, isa sa mga boat concessionaires sa Burnham Lake ang apat nitong pontoon boats at isang swan boat para sa search, rescue and relief mission ng Oplan Tulong Cagayan ng Cordillera.
Ayon sa kanya, matibay ang katawan ng mga bangka dahil gawa ang mga ito ng fiberglass na perpekto sa pag-navigate o paglayag sa baha lalo na mga masisikip na lugar kung saan may mga matatalas na bagay gaya ng G.I. sheet roofs na maaaring bumutas sa mga rubber boats.
Sinabi ni Baguio City Police Office director Colonel Allen Rae Co na pinadala na noong Linggo ang dalawang pontoon boats na kayang magdala ng tig-10 katao at ang pedal-powered swan boat.
Umaasa naman si Celso na makakatulong ang mga nasabing bangka sa nagpapatuloy na search and rescue operations at mas maraming buhay ang masagip.
Maliban sa mga nasabing bangka, isang rubber boat at walong sasakyan ang pinadala na sa Cagayan habang ang Oplan Sagip Cagayan ng Cordillera Police ay binubuo ng 57 na pulis at 5 personnel ng Regional Health Service.