Iniulat ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na may mga natanggap na itong report ukol sa mga ibinebenta sa Pilipinas na bagong mapang inilabas ng CHina kamakailan.
Maalalang naging kontrobersyal ang 10-dash line map ng China, matapos din itong matalakay sa Senado ng Pilipinas, kasama na sa ibang mga bansa, dahil sa kontrobersyal na pagdadagdag ng China ng teritoryo nito sa mga inaagaw na bahagi ng West Phil Sea.
Ayon kay Assistant Director General Jonathan Malaya, mayroon umanong lumabas na impormasyon na ibinebenta ang 10-dash line map sa ilang bookstore, at maaaring bilhin ng mga Pilipino.
Gayonpaman, sinabi ni Malaya na mayroon na ring nabuo ang mga eksperto ng Pilipinas na isang mapa bilang kasagutan sa 10-dash line map ng China.
Sa kasalukuyan aniya, nakahanda na ang naturang mapa at hinihintay na lamang si PBBM na siyang maglalabas sa publiko.
Oras na bubuksan ito ng pangulo, maaari aniya itong ipamahagi sa ibat ibang mga bookstore sa buong bansa, mag-imprenta ng marami, at ilagay sa mga public libraries, eskwelahan, at lahat ng mga nagnanais magkaroon ng kopya ng bagong mapa ng bansa.
Aniya, ang bagong mapa ang siyang papalit sa opisyal na mapa ng Pilipinas, na nakalagay sa mga aralin ng mga kabataan at mga aklat na nagiging basehan ng mga mag-aaral, estudyante, at mga dalubhasa.