Kasabay ng pagdiriwang ng araw ng Kapaskuhan ay narekober naman ng mga otoridad ang ilang buto ng tao sa Barangay Baluntay sa Alabel lalawigan ng Sarangani.
Ito ang kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) – Criminal Investigation and Detection Group.
Kumilos ang mga operatiba matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pinaghihinalaang burial site ng mga salvage victims.
Kaagad na ikinordon ng pulisya ang lugar at nagsimulang maghukay katuwang ang mga forensic experts.
Matapos ang paghuhukay ay nadiskubre ang ilang skeletal remains.
Ayon kay CIDG chief Police Brigadier General Nicolas Torre III, kinilala ng witness na si alyas Dodong ang biktima na si alyas Jomar mula sa Polomolok, South Cotabato.
Ang biktima ay matagal nang pinaghahanap ng kanyang mga kaanak at huling nakita sakay ng isang motorsiklo.
Patuloy naman ang isinasagawang berepikasyon ng forensic team para makumpirma kung ito nga ang nawawalang biktima.
Nagsagawa na rin ng imbestigasyon ang PNP sa kaso ng naturang mga buto.