Napilitang umalis muna sa Manila Bay anchorage area ang ilang mga foreign cruise ships upang makaiwas sa sungit ng panahon na dala ng bagyong Ambo.
Sa naging pagtaya ng Pagasa, lalapit sa bahagi ng Metro Manila ang typhoon dakong gabi matapos ang anim na beses na pag-landfall mula sa Eastern Visayas region hanggang sa Kabikolan.
Una nang iniulat ni Philippine Coast Guard commandant Admiral Joel Garcia na umaabot na sa 22 ang mga cruise ships sa bansa na nag-aantay mag-unload ng mga Pinoy seafarers.
Napag-alaman ng Bombo Radyo mula sa ilang crew na kahapon pa ay nagsimulang mag-alisan na sa Manila Bay ang ilang mga dambuhalang barko upang maghanap muna nang mapagkakanlungan at palipasin ang sama ng panahon.
Sinasabing ilan sa mga barko ay noong unang bahagi pa ng buwan ng Abril at nag-aantay na maubos lahat na maisailalim sa COVID tests ang mga Pinoy seamen.
Ilan tuloy sa mga crew at mga pamilya nila ang labis na ang pagkadismaya dahil ang iba sa mga ito ay lagpas na sa 14-day self-quarantine ang pananatili sa loob ng barko.
Kabilang sa mga nakausap ng Bombo Radyo ay inilarawan na lamang ang kanilang sitwasyon sa kasabihan na “we are so near and yet so far.”
Liban nito, meron ding nasa 20,000 pang mga sea based at land based OFW ang nananatili naman sa mga hotels at make shift quarantine centers na nag-aantay din na matapos na ang resulta ng kanilang mga swab tests.
Paliwanag naman ni Admiral Garcia, kabilang sa nagpabalam sa pagbaba ng mga crew sa barko ay dahil mula sa COVID mass testing ay nagbago na sila patungo sa mas accurate na RT-PCR testing na siya namang pinagbabasehan ng mga local government units sa pagtanggap sa mga nagbabalik na OFW.
Kabilang sa mga fleet ng mga luxury ships na pansamantalang humimpil sa Maynila ay ang mga barko ng Princess Cruises, Costa Cruises, Carnival Corp, Cunard at P&O Cruises Australia.
Nasa Pilipinas na rin ang kontrobersiyal na M/V Ruby Princess na dumating noong nakaraang linggo.
Kung maaalala sinisi ng Australia noong buwan ng Marso ang Ruby Princess sa unang outbreak ng coronavirus sa kanilang bansa matapos na maiugnay ang mahigit 700 nagpositibo sa deadly virus at 21 mga nasawi.
Samantala, labis naman ang pakiusap ni Garcia sa mga bayaning Pinoy workers na habaan pa rin ang kanilang pasensiya.
“Kung meron mang pagkukulang o diperensya sa sistema, unawain po natin. Ginagawa po ng inyong gobyerno ang lahat dahil nararamdaman namin na gusto niyo nang makasama ang inyong pamilya,” ani Admiral Garcia.
Batay sa pagtala ng PCG nasa kabuuang 21,604 land-based at sea-based overseas Filipino workers na ang matagumpay na napasailalim sa RT-PCR testing sa pagitan ng Mayo 2 hanggang Mayo 14 na isinagawa ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs.