-- Advertisements --

NAGA CITY- Tumagal ng mahigit sa tatlong oras ang isinagawang Fluvial Procession ni Nuestra Señora de Penafrancia sa lungsod ng Naga nitong Sabado ng hapon.

Pasado alas-3:00 ng hapon nang matapos ang Banal na Misa na isinagawa sa Metropolitan Cathedral na sinundan agad ng paglabas ng imahe ni El Divino Rostro.

Makaraan ang 30 minuto, sunod namang inilabas ang imahe ni Nuestra Señora de Peñafrancia habang alas-5:00 ng hapon nagsimula ang pag-usad ng Pagoda sa Naga River na hinila ng mahigit sa 100 na mga bangka.

Samantala, naging mabagal naman ang pag-usad ng Pagoda dahil ilang bahagi ng ilog ang mababaw ang lebel ng tubig ngunit agad namang nagawan ng paraan ng water cluster sa pangunguna ng Philippine Coast Guard (PCG).

Alas-6:30 ng gabi naman isinagawa ang misa sa Basilica Minore na pinangunahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Caccia.

Samantala, ilang mga deboto naman ang naitalang sugatan matapos makipagsiksikan sa gitna ng prusisyon at pilit na inaabot ang dalawang imahe na agad ding nirespondehan ng mga rescue team.