-- Advertisements --

VIGAN CITY – Naglabas ng saloobin ang ilang mga Pinoy na nagtatrabaho sa China hinggil sa trato sa mga Chinese nationals dahil pa rin sa banta ng novel coronavirus.

Sa video message ni Bombo International Correspondent Rosalie Garcia, sinabi nito na nais niyang malaman ng lahat ang kanilang saloobin na hindi na tama ang ilan sa mga hakbang na isinasagawa ng Pilipinas at iba pang bansa upang maiwasan lang ang nasabing sakit.

Aniya, mula umano nang pumutok ang isyu sa nasabing sakit, hindi na umano sila pinabayaan ng kanilang mga Chinese employers dahil araw-araw umano silang pinapaalalahanan ng mga ito na mag-ingat at huwag nang lumabas ng bahay upang hindi mahawaan ng nCov.

Idinagdag pa nito na ilan pa umano sa mga anak ng kanilang mga Chinese employers ang mismong nagdadala ng kanilang pagkain sa lugar kung saan sila nananatili sa ngayon.

Dahil dito, hinimok ni Garcia ang mga Pinoy na huwag masyadong magpanic at huwag i-discriminate ang mga Chinese lalo pa’t hindi naman umano nila ginusto na magpakalat ng sakit.