Hinimok ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na taasan pa ang coverage nito para sa hemodialysis.
Ayon kay PHAPi president Dr. Jose Rene de Grano, dapat nang gawin ng Philhealth na P5,500 per treatment ang hemodialysis benefit package mula sa kasalukuyang P4,000.
Aniya, kailangan nang magkaroon ng pagtaas sa naturang package dahil sa maraming mga pribadong ospital at mga hemodialysis center sa buong bansa ang nakakaranas na ng pagkalugi.
Ang naturang pagkalugi ay umaabot ng P300 hanggang P1,000 kada treatment session.
Kung hindi aniya gagawa ng hakbang ang Philhealth, posibleng magsara na rin o unti-unti nang titigil ang maraming mga hemodialysis center sa bansa.
Giit ni Dr. de Grano sa halip na danasin ang tuluy-tuloy na pagkalugi, maaaring mas piliin na lamang ng mga ito na itigil ang kanilang operasyon.
Noong 2023, inaprubahan ng Philhealth ang mas maraming coverage para sa mga hemodialysis patients mula sa dating 90 session kada taon at ginawa itong 156 session.
Nitong nakalipas na Hunyo, itinaas na rin ng ahensiya ang benefit package rate mula sa dating P2,600 kada treatment at ginawang P4,000.