Patuloy na nakakatanggap ang ilang mga indibidwal ng mga texts scam sa kabila ng pagpapalawig ng SIM Card Registrattion sa bansa.
Halos araw araw mayroon parin umanong mga random text na dumarating sa kanila, ang ilan ay sinasabing nanalo sa isang raffle, o kaya naman ay iclick ang link na ipinadala at ang iba naman ay hinihikayat na maglaro ng games.
Mayroon namang mga scammer na nagpapanggap bilang mga provider ng e-wallet na hinihikayat ang mga users na muling irehistro ang kanilang SIM upang maging aktibo ang kanilang e-wallet, ngunit nilinaw ng Department of Information and Communications Technology na hindi ito totoo.
Si Roel Baricawa, empleyado sa barangay ay nakapagrehistro na ng kanyang SIM card bago pa ang extension nito ngunit madalas parin raw siyang makatanggap ng text scams.
Aniya, kapag nakikita niya raw ang text message ay agad niya namang napapansin na scam ito dahil kapag lehitimo raw ay may pangalan ng kompanya ang numero.
Kaya naman imbis na patulan pa ito ay hindi niya na umano pinapansin.
Kaugnay niya, pakinggan natin ang naging pahayag ni Roel Baricawa.
Samantala, si Joselyn Gonzales na isang tindera ay hindi pa nakapag rehistro ng kanyang SIM Card.
Wala pa umano siyang sapat na oras para magrehistro dahil sa pagiging abala araw araw.
Aniya, dahil sa hindi pa siya nakapag rehistro ay madalas siyang makatanggap ng text scams.
Kung mapapansin, nakapag rehistro man o hindi ng SIM Card ay parehong madalas parin na nakakatanggap ng text scams.
Kung maaalala inamin ng Department of Information and Communications Technology na laganap parin ang mga ito sa kabila ng malawakang SIM Card registration sa bansa.
Dahil dito, nagpaalala ang ahensya na huwag basta bastang maniniwala sa mga natatanggap na messages at agad na irehistro ang kanilang mga SIM card.
Sa ngayon base sa pinakabagong datos, ang bilang ng nakapagrehistro sa buong bansa ay nasa 96.5 million katao.
Ang pagpaparehistro ng SIM card ay tatagal hanggang Hulyo 25 ngayong taon.