Sari-sari ang naging reaksyon at mungkahi ng mga kababayang Pinoy maging ng mga nagtitinda ng sim card na gawin ng batas ang subscriber identity module (SIM) o card registration bill sa Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo, ibinahagi ng ilang mga gumagamit ng sim card na makabubuti raw na gawing batas na ito upang maiwasan na daw ang text scams na talamak ngayon sa bansa.
Samantala, ayon naman kay Martin, isang sim card seller sa Pasay City, pabor naman daw siya na isabatas na ang sim card registration bill sa bansa ngunit sa kabilang banda ay may negatibo daw itong dala lalo na sa kanila bilang mga sellers.
“Ang aking pananaw sa sim card registration bill, para sa akin okay din siya, kasi siyempre maiiwasan ang mga text scam… sa isang banda rin, maraming maaapektuhan na retailers, karamihan ng mga nagbebenta siyempre nag-aangkat lang, tapos binebenta lang nila as ganyan ‘di ba, kasi mababawasan na magbenta ng mga sim card kasi pili na lang iyong pwede magbenta rin so maaapektuhan iyong business din somehow.”
Una rito, aprubado na sa Senado ang Senate Bill no 1310 na kinakailangang mag-register muna ang mga gagamit ng sim card bago ito ma-activate.
Ito raw kasi ang isa sa mga paraan upang masugpo ang pagkalat ng mga text scams, data breaches, at krimen kaugnay sa paggamit ng mga mobile phone units.
Titiyakin naman ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na masusunod ng mga telecommunication companies ang pamantayan ng ahensya sa pag-secure ng mga personal na impormasyon ng kanilang subscribers. (With reports from Bombo JC Galvez)