-- Advertisements --
image 380

Nag-iwan ng pisala sa ilang mga kabahayan, establishimento at simbahan ang paghagupit ng buhawi sa may Bacolor, Pampanga dakong 6pm nitong Huwebes, Hunyo 22.

Batay sa inisyal na report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nangyari ang pananalasa ng buhawi sa may Barangay Cabalantian partikular na sa Sitio Banlic at Cabalantian Church area kahapon kasabay ng naranasang malakas na ulan at thunderstorm.

Ayon pa sa ahensiya, nakapagtala ng minor damage sa ilang mga kabahayan, bumagsak ang mga kable ng kuryente at nakaranas din ng power interruption at natumba din ang mga puno

Sa ulat naman mula sa Police Regional Office 3, isang indibdiwal ang nagtamo ng minor injury at dinala sa pagamutan para malapatan ng lunas.

Nasa kabuuang 32 struktura kabilang ang 26 na kabahayan, limang mga business establishment at isang simbahan ang napinsala dahil sa buhawi.

Nabasag naman ang stained glass at nasira ang ceiling ng Cabalantian Church habang ilang mga bubong ng bahay ang nilipad ng buhawi.

Nagsasagawa na ng clearing operations ang NDRRMC sa mga lugar na dinaanan ng buhawi.