-- Advertisements --

Dagupan City- Sinita ng ilang mga kapulisan ang ilang indibidwal matapos na makitang namimigay ng sample ballots at flyers ng mga kandidato mula sa bayan ng Malasiqui, Pangasinan.

Nasaksihan mismo ng Bombo Radyo Dagupan Team ang aktuwal na pamamahagi ng ilang mga sample ballots at mga flyers sa mga kalye na may ilang metro ang layo mula sa voting centers ng nasabing bayan.

Ilan sa mga namataang namimigay nito ay mga kabataan na nasa edad 15 pataas.

Agad namang tinungo ng kapulisan ang lugar na kinaroroonan ng mga nasabing kabataan at sinita ang mga ito sa kanilang maling gawain. Babala naman ng PNP, sa oras na muling bumalik ang mga nabanggit na indibidwal upang ipagpatuloy ang pamimigay ng mga kapirasong papel ay hindi na umano sila magdadalawang isip pang arestuhin ang mga ito.

Una ng sinabi ng Comelec na ipinagbabawal ang pamimigay ng sample ballots na may pangalan ng kandidato sa araw ng halalan dahil makukunsidera pa rin itong pangangampanya.