Iniulat ng Metropolitan Manila Development Authority ang pagkakabuwal ng mga punong-kahoy at poste ng kuryente sa Metro Manila sa gitna ng mga pag-ulang dulot ng bagyong Enteng.
Batay sa report ng ahensiya, isang punong-kahoy ang natumba sa Elliptical Road, Diliman, Quezon City kaninang 7AM, na sinundan din ng isa pang nabuwal na kahoy sa CP Garcia Maginhawa extension kaninang 8AM. Isa pang malaking kahoy ang natumba sa MIA Macapagal EB.
Ang mga ito ay nagdulot ng pagbagal sa daloy ng trapiko dahil sa pagsara ng ilang linya ng kalsada.
Sa Roxas Katigbak drive, kinailangan ding pansamantalang isara ang dalawang lane dahil sa pagkabuwal ng isang poste ng kuryente.
Patuloy namang inaabisuhan ng MMDA ang mga motorista na ugaliing alamin ang sitwasyon sa mga kalsada bago bumiyahe, at huwag magpumilit dumaan sa mga kalsadang isinara na sa trapiko.