Naghain na ng petisyon ang ilang labor group na humihiling na baliktarin ang inaprubahang P35 wage increase para sa mga manggagawa sa Metro Manila.
Batay sa nilalaman ng apat na pahinang petisyon na inihain ng mga grupo na pinapangunahan ng Alliance of Nationalist and Genuine Labor Organization, hinihiling ng mga ito sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) na isantabi ang naunang desisyon at ideklara ang P1,207 minimum daily wage sa National Capital Region (NCR).
Katwiran ng grupo, ang P35 na pagtaas sa arawang sahod ng mga mangagawa ay nakabase pa sa datos ng Philippine Statistics Authority noong 2021.
Ayon sa mga grupo, nararapat lamang ang P1,207 na daily minimum wage para sa mga mangagawa sa kamaynilaan para mabuhay, sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Hunyo-27, 2024 noong napirmahan ang Wage Order No. NCR-25 at lumabas sa publikasyon noong Hulyo-1.
Magiging epektibo ito 15 araw matapos ang opisyal na publikasyon.
Ang naturang wage order ang nagbibigay ng dagdag-P35 sa minimum na arawang sahod ng mga mangagawa sa NCR.
Noong lumabas ang naturang order ay inulan ito ng batikos mula sa mga labor groups dahil sa malayong mas mababa ito kumpara sa hiling na P100 hanggang P150 na daily increase.
Pero ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, maaari pa itong mabago kapag opisyal na may maghahain ng petisyon bago ang tuluyang pagiging epektibo ng wage order.