TACLOBAN CITY – Suspendido na ang pasok sa lahat ng lebel at opisina sa iba’t ibang LGUs sa Eastern Visayas kasama na ang lungsod ng Tacloban at mga karatig bayan.
Ito ay dahil sa patuloy na nararanasan na epekto ng bagyong Agaton.
Sa ngayon ay lubog pa rin sa baha ang ilang mga bayan dito sa Eastern Visayas partikular na sa probinsya ng Southern Leyte at Baybay City sa Leyte.
Lampas tao rin ang baha na naitala sa bahagi ng Abuyog Leyte dahil sa malakas at walang tigil na pag-ulan.
May naitala namang landslide sa Brgy. Pancho Villa Sogod Southern Leyte gayun din sa bahagi ng Can-ipa Baybay City kung saan patuloy ang rescue operation sa di umano isang pamilyang naitalang missing.
Nagpatupad rin ng forced evacuation sa ilang barangay sa San Miguel Leyte, at nagkaroon ng rescue operation sa Brgy. San Andres ng naturang bayan matapos na matrap sa tubig ang isang pamilya.
Ilang mga residente naman ang nananatili sa mga evacuation centers sa bahagi ng Samar areas dahil sa mga pagbaha na naitala.
Ayon naman kay Petty Officer 3 Nicanor Bumanglag Jr., substation commander ng Allen Port sa Northern Samar, sa ngayon ay aabot sa 41 private vehicles, apat na bus, 98 trucks at daan-daang pasahero ang stranded sa nasabing pantalan.
Patuloy naman ang ginagawang monitoring ng mga otoridad sa sitwasyon ng buong rehiyon dahil sa patuloy na epekto ng bagyong Agaton.