-- Advertisements --

DAVAO CITY – Patuloy ngayon ang ginagawang imbestigasyon ng otoridad patungkol sa nawawalang apat na mga magulang ng mga batang lumad sa Talaingod Davao del Norte na una ng naligtas sa isinagawang operasyon ng otoridad sa Cebu City matapos umano na dinala ang mga ito ng communist terrorist group (CTG).

Sinasabing pinuntahan ng mga personahe ng 56th Infantry Battalion at iba pang mga personahe ng mga Philippine National Police (PNP) sa Sitio Camingawan sa Talaingod ang mga magulang para ipaalam ang pagdating ng mga bata na dinala sa Cebu.

Ayon pa kay Police Brig. Gen. Felmore Escobal, regional director ng PRO-11 na dalawang mga magulang lamang ang kanilang naabutan sa area.

Napag-alaman ng otoridad na dinala ito ng CTG isang araw bago ipaalam ng mga police officers na naligtas ang kanilang mga anak at kailangan na pumunta ang mga ito sa Cebu City.

Sinasabing ang apat na mga magulang na nawawala ay lumapit umano sa Children’s Legal Bureau (CLB), isang non-government organization (NGO) para humingi ng assistance.

Napag-alaman na aabot sa 11 na mga magulang ang nagsumite ng kanilang reklamo sa otoridad patungkol sa nawawala nilang anak.

Dagdag pa ni Escobal na bago umano dinala pabalik sa Talaingod ang mga lumad, nasa Mactan airport umano ang CLB at sinubukan na pigilan ang mga ito na umalis.

Sinasabing lima sa mga na-rescue na mga batang lumad ay parehong minor de edad at dalawa ang 18 anyos.

Naniniwala si Escobal na gagamitin ng makakaliwang grupo ang ilang mga magulang ng mga bata para palabasin na pinayagan nila ang kanilang mga anak na pumunta sa Cebu.

Kung maalala humingi ng tulong sa otoridad ang ilang mga magulang ng mga bata matapos na halos tatlong taon na nila itong hindi nakikita.