-- Advertisements --
OFW

Itinutulak ngayon ng ilang mga mambabatas ang pagpapalawak ng legal assistance fund para sa mga Overseas Filipino Workers o OFW lalo na sa mga overseas workers na nakararanas umano ng pisikal na pang-aabuso.

Nais ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na maipasa ang senate bill no. 1448, o expanding the use of the legal assistance fund, na naglalayong suportahan ang mga overseas filipino workers.

Sa hybrid meeting ng committee on migrant workers, inihayag ni Villanueva ang kanyang pasasalamat sa komite para isama ang kanyang panukalang batas sa agenda at umapela sa kanyang mga kasamahan na suportahan ang iminungkahing panukala.

Aniya, nakilala ng mambabatas ang kahalagahan ng patuloy na pagtiyak sa pagkakaroon ng legal assistance fund na hiwalay sa agarang kalinga at saklolo para sa mga ofw na nangangailangan (AKSYON) fund sa ilalim ng Department of Migrant Workers (DMW).

Ito raw ay para sa kapakanan ng 10.69 milyong Overseas Filipinos.

“We recognize Mr. Chairman the importance of ensuring the availability of a legal assistance fund from the Agarang Kalinga at Saklolo para sa mga OFW na nangangailangan o AKSYON fund under the DMW. This is for the benefit of our 10.69 million Overseas Filipinos” saad ni Villanueva sa hybrid meeting sa Senado.

Dagdag pa ni Villanueva, alinsunod aniya sa patakaran ng estado na magbigay ng ganap na proteksyon sa mga manggagawa, kapwa lokal maging sa ibang bansa, hinahangad ng mambabatas, sa tulong ng komite na palawakin ang saklaw ng legal assistance fund na kung saan nilalayon nito na isama ang lahat ng yugto ng kaso, mga paglilitis, mula sa oras ng pagsisimula ng reklamo hanggang sa promulgation at pagpapatupad ng paghatol, at lahat ng antas ng apela.

Sa kabilang banda, binanggit din ni Villanueva ang datos mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na ang Middle East ay hotspot para sa mga kaso ng pang-aabuso na kinasasangkutan ng mga Overseas Filipino Workers na kung saan ay 6,035 na kaso ng maltreatment/mistrestment sa Middle East samantalang, 679 na kaso sa Asya, Europa, at Amerika.