Ibinunyag ni Interior Sec. Eduardo Año na mayroon umanong mga mayor ang dawit sa operasyon ng iligal na pagmimina at pagtotroso.
Pahayag ito ni Año kasunod ng nangyaring malawakang pagbaha sa ilang mga bansa dulot ng nagdaang mga bagyo, na sinasabing pinalala ng naturang mga ipinagbabawal na aktibidad.
Ayon sa kalihim, may mga opisyal ng lokal na gobyerno ang direkta at hindi direktang nakikinabang mula sa illegal mining at logging.
Kasabay din aniya ng kanyang utos na crackdown sa naturang mga gawain, nanawagan si Año sa mga otoridad at sa Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na maging mahigpit kahit na sa mga lokal na opisyal.
Pinayuhan naman ng opisyal ang mga residente na maging matalino sa pagboto ng mga local government officials at piliin lamang ang seryoso sa paggampan sa kanilang trabaho.