Malamig ang ilang Metro Manila Mayors sa panukalang pagbawas sa oras ng curfew.
Inirekomenda kasi ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing apat na oras na lamang ang curfew mula sa 12 a.m, hanggang 4 a.m. kaysa sa 10 p.m. – 5 a.m.
Sinabi ni Navotas City Mayor Toby Tiangco na dapat panatilihin ang nasabing curfew dahil naging epektibo ang unang ipinapatupad na curfew.
Hanggang sa kasalukuyan kasi marami pa ring kaso ng COVID-19 kaya hindi pa napapanahon aniya na luwagan pa ang mga lugar.
Mga local government din anila ang mananagot sakaling tumaas muli ang kaso ng coronavirus dahil sa pagpapaluwag ng curfew.
Ayon naman kay San Juan City Mayor Francis Zamora, na bago pa lamang ang panukala ng gobyerno ay nauna na silang nagbawas ng oras ng curfew.
Ginawa nila itong mula 12 ng hating gabi hanggang ala-singko na ng umaga.
Nararapat din aniya na tuluyang pababain muna ang mga nahahawaan ng coronavirus bago tuluyang luwagan ang curfew.