Binatikos ng ilang mga Metro Manila Mayors ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa mabagal na pamamahagi ng ikalawang yugto ng Social Amelioration Program (SAP).
Sinabi ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang Metro Manila Council (MMC) Chairman at Quezon City Mayor Joy Belmonte na hindi magkaparehas ang listahan nila at ang DSWD sa mga nararapat na mabigyan ng ayuda.
Sa Quezon City lamang ay mayroong 151,192 sa kabuuang 337,584 SAP recipients ang nakatanggap ng second tranche ng tig-P8,000 na subsidy mula sa national government.
Habang sa Paranaque ay 203,896 sa kabuuang 217,386 ang nakatanggap ng ayuda.
Dagdag pa ni Olivarez na kung maikukumpara ang pamamahagi ng first tranche ay walang naging problema dahil ibinigay sa Local government unit ang pagbibigay ng mga ayuda sa kanilang constituents.
Nagalit naman si Navotas Mayor Toby Tiangco dahil walang DSWD official ang sumasagot sa kanilang mga reklamo lalo na kapag sila ay tumatawag sa ibinigay na hotline.
Paliwanag naman ni DSWD Secretary Rolando Bautista na handa silang makipagpulong sa mga alkalde para sagutin ang nasabing mga reklamo.
Umaabot na aniya sa 13.8 million beneficiaries ang nabigyan na ng ayuda sa second tranche kung saan target nilang mabigyan ang nasa 14.1 million pamilya para sa cash assistance program.