CEBU CITY – Nangangalap na ng karagdagang ebidensiya ang mga otoridad sa lugar sa Sitio Nasipit, Brgy. Talamban, lungsod ng Cebu kung saan patay matapos tambangan ang isang retirdong pulis.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu kay Cebu City Police Office (CCPO) Director PCol. Josefino Ligan, sinabi nito na patuloy na iniimbestigahan ng otoridad ang pangyayari kung saan isa sa tinitingnang motibo ng CCPO kaugnay sa pananambang kay retired P/Insp. Edmund Junco ay trabaho nito sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG)-7.
Ayon kay Ligan, may mga malalaking kaso na hinawakan noon ang biktima.
Dagdag pa nito na lumabas sa kanilang initial investigation na walang negosyo nang magretiro si Junco at naging “plain and simple citizen” lang umano ito habang ini-enjoy ang kanyang retirement.
Samantalang nananatili pa rin sa hospital ang asawa ng biktima na si Betty Junco na nagtamo rin ng tama ng bala sa likod.
Kaugnay nito, nanawagan ang hepe sa mga nakakita sa krimen na makipag-ugnayan sa otoridad upang mabigyan ng hustisya ang pag-ambush sa retiradong pulis.