-- Advertisements --

Ilang mga nagbebenta ng mga paputok sa Bocaue, Bulacan ang nasita ng Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa pagbebenta ng ilang mga paputok na hindi rehistrado.

Sa ginawang pag-iikot ng ahensya sa pamamagitan ni DTI Consumer Protection Undersecretary Ruth Castelo, sinabi nito na hindi nila pinalusot ang mga ito at kanilang kinumpiska ang mga ibinebentang paputok.

Bawat paputok kasi dapat ay mayroong nakalagay na label kung saan nagmula ito, ganon din ang PS mark ng DTI.

Katuwang din ng DTI sa ginawang inspections ang PNP at BFP at dito pinaalalahanan ng BFP na dapat mayroong drum na may laman ng tubig sa tabi ng mga puwesto para agad na maaapula ang mga ito sakaling magkaroon ng sunog.

Bukod dito ay may dala ang PNP ng listahan ng mga ipinagbabawal na paputok gaya ng mga thunder, baby dynamite at iba pang kahalintulad.

Nauna ng humihirit ang mga negosyante ng paputok na kung maaari ay huwag muna silang tuluyang ipasara dahil maraming mga manggagawa nila ang mawawalan ng trabaho.

Magugunitang desidido si Pangulong Rodrigo Duterte na ipasara na ang mga fireworks factory dahil taon-taon ay maraming mga napuputukan.