-- Advertisements --

DAGUPAN CITY — Kasabay ng pagpapatuloy ng face-to-face classes sa gitna ng matinding init ng panahon, hindi maiiwasan na sa loob ng mga silid-aralan lalo na sa mga pampublikong paaralan ay nararamdaman ng mga mag-aaral ang labis na init.

Ito ang naging sentimyento ni Renato Santillan, Principal ng Judge Jose de Venecia Sr. Technical-Vocational Secondary School, sa naging panayam sa kanya ng Bombo Radyo Dagupan hinggil sa mga ginagawang hakbang ng kanilang paaralan upang maibsan ang epekto ng mainit na panahon at posibilidad ng suspensyon ng physical classes bunsod ng sobrang init na nararanasan.

Aniya na hindi lamang ang mainit na temperatura o mataas na heat index ang nag-aambag sa nararanasan ng mga mag-aaral subalit dagdag ding pasanin ang sarili nilang kalagayan kung saan tanging electric fan lamang ang ginagamit ng 40-45 na mga estudyante na nagsasama sa loob ng isang silid-aralan.

Dahil dito, ay gumagawa ang kanilang paaralan ng iba’t ibang mga hakbangin upang maibsan ang nararanasang hirap ng mga estudyante at gayon na rin upang maiwasan nila na makapagtala ng mga kaso ng heat exhaustion at heat stroke.

Naitaas na rin aniya nila ang mga hakbangin na kanilang gagawin kay Mayor Belen Fenandez na sumang-ayon at nagsabing nasa kapangyarihan na ng mga Punong Guro kung ano ang gagawin sa mga ganitong pagkakataon upang matiyak ang kaligtasan ng ma mag-aaral.

Kaugnay nito ay nagka-usap at sumang-ayon naman ang mga Punong Guro ng ilang mga eskuwelahan dito sa lungsod na magkansela ng face-to-face classes at babalik muna pansamantala sa modular distance learning mula ngayong araw hanggang Huwebes, Abril 4 kung saan inaasahang mas titindi pa ang init ng panahon na nararanasan sa lungsod.