Naghahanda na ang ilang mga pasahero sa mangyayaring transport strike o tigil pasada ng ilang mga transport group nationwide sa March 6 hanggang March 12.
Inaasahan kasi na nasa mahigit 300,000 ang maapektuhang pasahero na mariin namang tinutulan ng ilan dahil sa lubos umano silang maapektuhan ng nasabing tigil pasada.
Una nga rito, hiniling ni Transport Secretary Jaime Bautista na pagusapan muna at magkaroon ng magandang komunikasyon sa panig ng Operators, mga driver at ng Land transportation franchising and regulatory Board hinggil pa rin sa protesta ng ilang transport group.
Sa panayam ng Bombo Radyo Philippines sa ilang mga commuter, hindi pa anila napapanahon na magsagawa ng tigil-pasada kaya’t dapat umanong panghimasukan na ng gobyerno ang naturang usapin, maigi rin daw na maghanda na ang gobyerno ng mga extrang sasakyan lalo pa’t pahirapan na naman daw ang biyahe ng mga commuters.
Ayon naman kay Kuya Jervy Francisco, nirerespeto niya ang desisyon ng ilang transport group, mahirap man talaga matigil ang pasada eh wala daw silang magagawa basta ang mungkahi nila eh magkaroon na ng solusyon at umusad na rin ng mas maayos itong naturang programa.
Sa ngayon, humihingi na ng dayalogo sa Land transportation franchising and regulatory board ang ilan pang transport group hinggil pa rin sa Public Utility Vehicle Modernization Program o PUVMP