Labis ang pagkadismaya ng ilang mga Pilipino dahil sa patuloy na nararanasang diskriminasyon sa Italy.
Kasabay rin nito ang tumataas na kaso ng COVID 19 sa nasabing bansa.
Sa panayam ng Star FM Baguio kay Bombo International Correspondent Jayvee Apolona, isang factory worker sa Milan, hinaing nito na gusto na niyang umuwi kung sakaling walang naganap na lockdown dahil sa pangungutya na kanilang dinaranas pati na rin ang pagkawala ng mga trabaho roon.
“Kung kami po ay pauuwiin mas gugustuhin pa po namin ngayon lalo na po yung mga nangyayaring discrimination sa aming mga Pilipino. Sinasabi po nila na kalahi daw natin yung nagkalat ng ganitong sakit. Marami kaming mga Pilipino na yung nasasaktan dito”
Ibinahagi rin nito na natrauma ang isa sa kaniyang mga kaibigan matapos mabatukan dahil inakala na isa siyang Chinese.
“Yung isa kong kaibigan binatukan napagkamalan po siyang Chinese. Sinabi naman niya yung point niya, Inilaban niya rin naman na hindi sila nagpapakalat ng COVID-19”
Nasa 10 milyong katao sa Italy ang apektado ng lockdown bunsod na rin sa tumataas na bilang ng mga taong may COVID 19 na aabot na sa 9,000 at mahigit 400 na rin ang patay.