LAOAG CITY – Nangangamba ang ilang Pilipino sa Kenya sa lumalalang kilos-protesta sa nasabing bansa.
Ito ang ipinaalam ni Bombo International News Correspondent Lou Biating mula sa Kenya.
Ayon sa kanya, mahigpit na babala ng gobyerno ng Kenya sa kanila na huwag lumabas sa mga ganitong pagkakataon para maiwasang masangkot sa nangyayaring kaguluhan.
Isinara aniya ang lahat ng business establishments, paaralan at iba pa bilang bahagi ng precautionary measures ng mga residente at estudyante sa nasabing bansa.
Ipinaliwanag niya na ang kilos protesta ay nagsimula pagkatapos inihain ang panukalang batas na dagdag buwis sa mga bilihin.
Aniya, sa kasalukuyan, maraming mamamayan ang naghihirap sa Kenya dahil sa mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dahil dito, ibinunyag niya na bagama’t binawi ni Kenyan President William Ruto ang panukalang batas, hindi pa rin tumitigil ang mga nagprotesta sa pagsasagawa ng kilos protesta hanggang sa bumaba sa pwesto ang Pangulo.
Nauna rito, mahigit 20 indibidwal ang namatay sa pagsugpo ng mga pulis at sundalo sa mga nagpoprotesta.