BAGUIO CITY – Inilarawan ng ilang mga Pinoy sa Louisiana ang bagsik ng Hurricane Ida na kanilang naranasan nitong nakaraang linggo na tumama sa kanilang estado.
Ito na ang ika-limang pinakamalakas na hurricane na tumama sa US Mainland na naitala sa kasaysayan.
Sa pahayag sa Star FM Baguio ni Damae Rodriguez, isang caregiver sa Louisiana, sinabi nito na dahil sa sobrang lakas ng hangin ay nagkatumbahan ang mga puno at nagkaroon ng mga pagbaha at malawakang power outage.
Hindi din umano sila pinapayagang makalabas sa kanilang subdibisyon dahil sa peligro namaaaring maidulot ng mga natumbang mga kahoy at poste. Gayunpaman ay ipinagpasalamat nito na may ilan silang mga kapitbahay na tumulong at nagbigay sa kanila ng pagkain.
Matatandaan na 16 na taon na ang lumipas ng tumama rin sanasabing estado ang Hurricane Katrina kung saan mahigit sa 1,800 ang nasawi at noong nakaraang taon lang ng manalasa rin ang Hurricane Laura.
Nag-landfall nga ang Hurricane Ida sa Louisiana sa Estados Unidos noong linggo, August 29 kung saan ito ay nag-iwan ng casualties at pagkasira ng mga imprastaraktura.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang ginagawang search and rescue mission ng gobyerno sa estado.