Iniulat ni Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) chairperson Alejandro Tengco ang tuluyan at boluntaryong pagsasara ng ilang mga Philippine Offshore Gaming Operator sa bansa kasunod ng naging kautusan ni PBBM na pagbawalan na ang operasyon ng mga ito.
Batay sa report ng PAGCOR, mayroon nang limang POGO ang boluntaryong nagsara mula pa noong Hulyo.
Nalalapit na rin aniya ang pagpapasara sa 41 na legal na POGO na tinatawag na ngayon bilang Internet Gaming Licensees (IGLs).
Maliban sa mga ito, sunud-sunod na aniya ang natanggap ng Pagcor na sulat mula sa mga POGO management na humihiling sa ahensiya na tuluyan nang maglabas ng cancellation ng kanilang permit upang tuluyan na nilang itigil ang kanilang operasyon.
Unang ipinag-utos ni PBBM ang total ban sa mga POGO sa ilalim ng kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong July, at binigyan ang mga ito ng hanggang December 31, 2024 na makapag-comply.
Ayon kay Tengco, nag-atas na ang ahensiya ng mga personnel nito para bantayan ang mga POGO 24/7 sa halip na magpapadala lamang ang mga ito ng mga inspector.