-- Advertisements --

Posibleng makakaranas pa rin ng mga mabibigat na pag-ulan ang iba’t-ibang bahagi ng Luzon sa mga susunod na araw.

Ito ay batay sa monitoring ng mga member agencies ng National Disaster Risk Reduction Management Council(NDRRMC).

Ayon sa konseho, maaaring makaranas ng moderate to heavy rainfall bukas, Aug 29, ang mga probinsya ng Pangasinan, Bataan, Zambales, Northern portion ng Palawan, at Occidental Mindoro.

Dahil dito ay pinapayuhan ng konseho ang mga residente sa naturang lugar na mag-ingat at maging pala-obserba sa sitwasyon.

Pinapayuhan din ng konseho ang publiko na imonitor ang mga paabiso ng mga lokal na pamahalaan at ng iba pang ahensya ng pamahalaan na nakatutok sa disaster mitigation.

Dito sa National Capital Region, binabantayan naman ng konseho ang mga lugar na madalas bahain, katulad ng Caloocan City, QC, Caloocan, Malabon, Navotas, San Juan, at Manila.

Ngayong araw, una nang binaha ang ilang bahagi ng Metro Manila kung saan mahigit 30 pamilya sa Valenzuela City ang inilikas patungo sa mga evacuation center.