KORONADAL CITY – Nagababala ang Department of Social Welfare and Development Region 12 (DSWD-12) sa mga pulitikong ginagamit umano ang mga programa ng ahensiya upang mahikayat ang mga mamamayan para sila ay iboto sa darating na May 2019 elections.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Naifah Queenie Sarip Balindong, Regional Program Coordinator ng DSWD-12, nakarating na sa kanilang tanggapan ang reklamong maraming mga pulitiko sa Rehiyon 12 partikular na sa South Cotabato ang namimigay umano ng pekeng DSWD forms para sa programa ng gobyerno na tumutulong sa mga mahihirap na isa umanong replacement sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s).
Ayon kay Balindong walang replacement ang 4P’s at huwag agad maniwala at magpadala sa mga pangako ng ilang mga pulitiko gamit ang pangalan ng ahensiya upang makakuha ng botante.
Dagdag pa nito na mula sa national office ng DSWD manggagaling at ang mga empleyado lamang ng ahensiya ang otorisadong mamahagi ng anumang forms at pumili ng mga benepisyaro na dadaan pa sa validation at hindi ang mga pulitiko.
Sa ilalim ng “Anti-Epal” program ay pinaiimbestigahan na ito ng DSWD.