LAOAG CITY – Natatakot na lumabas ang ilang mga residente sa Bauan, Batangas, dahil sa puwedeng idulot ng abo na galing sa Taal Volcano sa kanilang kalusugan.
Sinabi n Rissa Villanueva, 22-anyos na estudyante at residente sa nasabing lugar, na hindi na siya lalabas dahil sa posibleng epekto ng abo sa paligid nila lalo at sinisipon pa siya.
Aniya, pahirapan na rin na makabili sila ng face mask kahapon gayong maraming kababayan niya ang nangailangan nito para sa proteksyon.
Sa ngayon ay nananatili si Villanueva sa kanilang bahay at nag-aalala naman sa kanyang mga kaibigan na taga-Pook Taal na isa sa mga mas malalang naaapektuhan ng ashfall mula sa bulkan.
Dagdag niya na ang isa sa kanyang kaibigan na isang Sangguniang Kabataan official ay nasa evacuation center na lamang din.
Patuloy namang inaalam ng Bombo Radyo ang kalagayan ng mga taga-Pook Taal dahil sa pagsabog ng bulkan.