BUTUAN CITY – Muling inilikas ang iilang mga residente sa iba’t ibang lugar ng Caraga Region dahil sa mga pagbaha at pagguho ng lupa na hatid ng ilang araw na pag-ulan dahil na rin sa umiiral ngayong shearline at northeast monsoon.
Dahil dito’y may iilang residente na ng Surigao City at sa mga lalawigan ng Surigao del Norte, Surigao del Sur at Agusan del Norte ang binaha lalo na yaong mga nasa low-lying areas.
Sa Surigao City, nagsagawa na ng pre-emptive evacuation ang response cluster ng Philippine National Police (PNP), Philippine Army at Philippine Coast Guard (PCG) sa pangunguna ng Surigao City Disaster Risk Reduction Management Council.
Ayon kay CDRRM officer Threlcie Villaces, partikular na pinapalikas pre-emptively ay ang mga residente ng P-9 Navalca at Brgy. San Juan habang force evacuation naman ang ipinatupad sa Bonotan Hills dahil sa naitalang landslide.
Umabot na sa 100 mga residente naman ang inilikas sa CV Diez Elementary School sa Surigao City na syang kanilang identified evacuation center.
May inilikas din mula sa Purok 4 at Purok Pag-antayan sa bayan ng Cantilan sa Surigao del Sur dahil pa rin sa pagbaha at iba pa yaong mga inilikas sa bayan ng Jabonga, Agusan del Norte dahil sa pag-overflow na ng Lake Mainit, pati na ng Tinago River kungsaan umabot na sa Hanagdong Bridge ang tubig-baha.
Habang, nakaranas din ng rock at landslides ang Brgy. Pili sa bayan ng Malimono, Surigao del Norte kungsaan umabot hanggang provincial road ang gumuhong lupa at mga bato.
Una niini nag-abiso ang National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) ng Orange Rainfall Warning sa Dinagat Islands, Surigao del Sur, Surigao del Norte at Agusan del Norte na unang sinalanta ng bagyong Odette.