LAOAG CITY – Nawalan ng serbisyo ng kuryente ang ilang residente sa mga bayan at lungsod ng Ilocos Norte dahil sa pananalasa dulot ng Bagyong Julian.
Ayon kay Mr. Perry Martinez, Acting General Manager ng Ilocos Norte Electric Cooperative (INEC), naapektuhan ng pagkawala ng kuryente ang ilang barangay mula sa pitong lugar sa lalawigan tulad sa bayan ng Bacarra, Paoay, Marcos, Burgos, Bangui, Dingras at sa lungsod ng Batac.
Dahil dito, nakaalerto 24/7 ang lahat ng miyembro ng Ilocos Norte Electric Cooperative para maayos ang mga linya ng kuryente at maibalik ito sa lalong madaling panahon.
Ipinaliwanag niya na kung ang Ilocos Norte ay nasa Signal Number 2, ang “Operation Bagyo” ay ipatutupad kung saan ang mga frontline team ng kooperatiba ay awtomatikong ide-deploy sa mga lugar na pinaka-apektado ng bagyo.
Aniya, sinusunod nila ang pamantayan sa oras na papatayin nila ang serbisyo ng kuryente kung makakaapekto ito sa linya ng kuryente at para sa kaligtasan ng mga residente.
Kaugnay nito, sinabi ni Martinez na 16 na frontline team na binubuo ng tatlo hanggang apat na linemen ang pupunta sa mga apektadong lugar upang maibalik ang serbisyo ng kuryente.
Samantala, hiniling ng Acting General Manager na agad silang mag-ulat sa kanila kung nawalan sila ng power service para malaman din nila ang mga nararapat na hakbang na dapat gawin.
Una rito, sinuspinde ni Gov. Matthew Marcos Manotoc ang mga klase ng mga mag-aaral mula elementarya hanggang sekondarya sa mga pampubliko at pribadong paaralan kabilang ang mga tanggapan ng pamahalaan sa lalawigan dahil sa epekto ng Bagyong Julian.
Bukod sa mga klase, kinansela rin ang trabaho ng gobyerno maliban sa tanggapan ng Commission on Elections dahil ngayong araw, Setyembre 30 ang huling araw ng voter’s registration para sa darating na 2025 Midterm Elections.
Sa ngayon, binabayo na ng Bagyong Julian ang buong lalawigan ng Ilocos Norte kung saan maraming bayan na ang lubog sa baha.