LEGAZPI CITY – Nagpaalala ngayon ang kapulisan na suriing mabuti hindi lamang ang sarili, kundi ang mismong sasakyan tuwing nagmamaneho.
Ito ay matapos na magkarambola ang pitong sasakyan sa kahabaan ng kalsada sa Barangay Kimantong, Daraga, Albay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Rodelon Betita, hepe ng Daraga PNP, biyaheng Sorsogon-Legazpi ang bus na minamaneho ni Joven Luz, 42, subalit nawalan ng preno sa pagsapit sa lugar.
Bunsod nito, kinain ng bus ang kabilang lane at nagtuloy-tuloy na inararo ang mga nakaparadang sasakyan na kinabibilingan ng isang kotse, tatlong motorsiklo at dalawang tricycle.
Sumagi rin ang bus sa pader ng bahay na pagmamay-ari ng pamilya Galicia.
Samantala, malaking pasasalamat naman ng drayber ng bus maging ng pulisya na walang ibang nasaktan sa naturang insidente.
Muling nag-abiso ng pag-iingat ang hepe lalo na kung dadaan sa mga accident prone areas habang iparada ang sasakyan sa tamang lugar.