-- Advertisements --

Nagpaabot ng pakikiramay ang ilang mga senador sa pagpanaw ni Pope Francis sa edad na 88 sa kanyang tahanan sa Vatican ngayong araw, Abril 21.

Ayon kay Senador Juan Miguel Zubiri, mabigat sa kanyang puso ang pagpanaw ng Santo Papa na nagmarka ng pambihirang kababaang-loob.

Aniya, si Pope Francis ay tunay na katulad ni Kristo sa kanyang pamumuno sa Simbahan, kung saan palaging inuuna ang mga biktima ng kahirapan, karamdaman, digmaan, at kawalang-katarungan.

Ipinakita nito aniya sa lahat na pagiging isang Santo Papa ay hindi tungkol sa mga damit o seremonya. Ito ay tungkol sa pagiging isang daan para sa pag-ibig at awa.

Nagluluksa rin si Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pagpanaw ni Pope Francis.

Ayon kay Escudero, bilang unang Latin American Pontiff, ipinagtanggol ni Pope Francis ang mga marginalized at naging boses bilang santo papa at naging inspirasyon ng mundo sa kanyang mensahe ng pagmamahal at pagtanggap.

Nananatiling nakaukit aniya sa puso ng mga Pilipino ang pagbisita ni Pope Francis noong 2015 sa Pilipinas.

Sa kanyang pananatili rito, inaliw niya ang mga nasalanta ng Bagyong Yolanda at nanawagan ng pakikiisa at pangangalaga sa mga mahihina.

Maging si Senadora Risa ay nakikiisa at nagdadalamhati sa pagpanaw ni Pope Francis.

Si Pope Francis aniya ay tunay na progresibo sa kahulugan ng kanyang mga salita.

Tiniyak nito aniya na ang Simbahan ay tunay na Simbahan ng mga mahihirap.

Nawa’y magsilbing buhay aniya na alaala si Pope Francis sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng kanyang mga pangaral: ang Awa, habag, at pag-asa.