Pinaplano ng ilang mga Senador na dagdagan pa ang budget ng Office of the Vice President (OVP).
Batay sa unang inaprubahan ng House of Representatives, nasa P733 million ang magiging budget sana ng OVP para sa 2025.
Gayunpaman, sinabi ni Senator Joel Villanueva na tinitignan nila ang posibilidad ng pagtaas sa naturang budget.
Ayon kay Villanueva, nakausap na niya ang apat hanggang limang miyembro ng Senado at lahat sila ay kapwa nagpahayag ng kagustuhan na dagdagan ang pondo ng OVP.
Giit ng Senador, ang mahigit kalahati na tinanggal sa pondo ng OVP ay hindi makatarungan, lalo na at itinuturing aniya ang naturang opisina bilang pangalawang pinakamataas sa bansa.
Ayon sa Senado, tinitignan nila ang mula P100 million hanggang P150 million na dagdag-pondo sa naturang opisina.
Sa kabila nito, sinabi ng Senador na anuman ang pagdedesisyon ng Kongreso ukol sa pondo ng OVP ay kaniya itong irerespeto.