-- Advertisements --
image 265

Inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na naniniwala silang ang oil spill mula sa lumubog na motor tanker na Princess Empress ay mula sa operational fuel nito, at hindi pa ganap na mula sa 800,000 litro ng industrial fuel oil na dala ng barko.

Ayon sa tagapagsalita ng PCG na si Rear Admiral Armand Balilo, nakatanggap sila ng imahe mula sa National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA) na nagpapakitang tila buo pa rin ang mga tangke ng langis ng lumubog na barko sa Oriental Mindoro.

Sinabi ng Department of the Environment and Natural Resources (DENR) na ang National Mapping and Resource Information Authority ang nakakita sa lumubog na sasakyang-dagat na nasa 400 metro sa ibaba ng antas ng dagat.

Ito ay 7.5 nautical miles mula sa Balingawan Point.

Dagdag dito, pinaniniwalaan din na hindi pa tumatagas ang lahat ng langis na dala ng lumubog motor tanker.

Kaugnay niyan, sinabi ng Department of the Environment and Natural Resources na tinatayang 591 ektarya ng coral reef, 1,626 ektarya ng bakawan, at 362 ektarya ng seagrass o seaweeds ang posibleng maapektuhan ng tumagas na langis.

Una na rito, umabot na sa halos 100,000 na mga residente ang naapektuhan ng naturang oil spill sa Oriental Mindoro.