Hindi nagpatinag sa buhos ng ulan ang ilang militanteng grupo na nagkasa ng isang kilos-protesta ngayong araw bago ang ikatlong State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa mga ito mas naglalagablab daw ang kanilang damdamin na ipaglaban at ilabas ang kanilang mga hinaing.
Ang nasabing kilos-protesta kanina ay pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan Timog Katagalugan (BAYAN TK) na siya namang tatagal ng limang araw mula ngayon hanggang ika-22 ng Hulyo na mismong araw ng ikatlong SONA ng pangulo.
Isinagawa nila ito upang kondenahin daw ang lumalalang panghihimasok ng imperyalistang US dito sa ating bansa.
Kasama rin daw sa kanilang panawagan ang iba pang mahahalagang isyu sa kalikasan, usapin ng agrikultura, sahod ng manggagawa, isyu sa kababaihan, at iba pang krisis na nararanasan sa Pilipinas.