Na-recover ng US investigators ang ilang milyong cryptocurrency na pinaniniwalaang ransom na ibinayad sa mga hackers na umatake sa East Coast pipeline.
Ayon sa US Justice Department, pinangunahan ng FBI ang operasyon sa pakikipagtulungan ng mga opisyal ng Colonial Pipeline na biktima ng ransomware attack.
Aabot sa $2.3 milyong Bitcoin ang pinaniniwalaang ibinayad sa indibidwal na sangkot sa criminal hacking group na kilalang DarkSide.
Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na isinagawa ng DOJ digital extortion taskforce ang operasyon.
Magugunitang inamin ni Colonial Pipeline Co. CEO Joseph Blount na nagbayad sila ng $4.4 milyon ransom demand.
Malaki ang paniniwala ng FBI na galing sa Russia ang nasabing nasa likod ng DarkSide.
Patuloy din ang panawagan ni FBI Director Christopher Wray sa mga biktima ng ransomware na makipag-ugnayan sa kanilang opisina para tuluyang masawata ang mga nasa likod ng ransomware.