Nakatakdang makatanggap ang mga rehistradong miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng subsidiya sa buwanang electricity bill, simula Enero 2024.
Sa ilalim ng Republic Act (R.A.) 11552, magpapatupad ang gobyerno ng Lifeline Rate Subsidy Program para mabawasan ng 20 hanggang 100 na porsyento ang bayarin sa kuryente ng mga miyembro ng 4Ps.
Kaugnay nito, kinakailangan munang magparehistro ng mga kwalipikadong benepisyaryo ng 4Ps sa naturang programa para magamit ang discount sa bayarin.
Ang kabahayang may 0-20 Kilowatt-hour (kWh) na konsumo sa kuryente ay makatatanggap ng full subsidy, o 100 porsyentong subsidiya. Habang 50 porsyentong bawas naman para sa kumukonsumo ng 21-50 kWh.
Ang may konsumong 51-70 kWh naman ay magkakaroon ng 35 porsyentong subsidiya, at ang 71-100 kWh ay may 20 porsyentong bawas sa bayarin ng kuryente.
Binuo ang tripartite council na Department of Social Welfare and Development (DSWD), Energy Regulatory Commission, at Department of Energy para sa implentasyon ng programa, na nakapaloob sa R.A. 11552.
Makikipag tulungan din ang Philippine Statistics Autority (PSA) para ipresenta sa DSWD ang mga kwalipikado sa subsidiya, base sa inilatag na poverty threshold ng PSA.
Samantala, nagsagawa na ang DSWD ng information caravan sa iba’t-ibang lugar sa bansa, para ipaalam ang pagpoproseso ng Lifeline Rate Subsidy Program para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.