KORONADAL CITY – Nagdulot na umano nang pangamba sa ilang investors ng Kabus Padatuon investment scam ang nagsilabasang pagkondina at paghimok sa KAPA na itigil ang kanilang iligal na operasyon.
Napag-alaman na ayon sa isang mapagkakatiwalaang source ng Bombo Radyo Koronadal, ilan umano sa mga customers sa kaniyang karinderya ay mga investors ng KAPA na matiyagang naghintay hanggang madaling araw upang mabawi ang kanilang pera ngunit hindi pa umano ibinibigay sa kanila.
Ang iba naman umanong bagong nag-invest pa lamang ay gustong bawiin na ang kanilang pera ay pinaghihintay pa ng tatlong buwan.
Nangangamba na ang mga ito na baka abutan sila ng freeze order matapos ang ipinalabas na cease and desist order ng Securities and Exchange Commission.
Napag-alaman din na itinuturing umanong traydor sa ministry ni Joel Apolinario ang mga investors na bumabawi na sa kanilang pera.
Muli namang nagbabala si Koronadal City Treasurer Marloun Gumbao na kung hindi papipigil ang KAPA sa kanilang iligal na aktibidad ay mapipilitan na silang magsagawa ng operasyon upang ipasara ito.