KORONADAL CITY – Patuloy sa pagdami ang mga magsasakang nananawagan na ng tulong at ayuda sa gobyerno dahil sa malawakang dry spell na nararanasan sa South Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay South Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Mila Lorca, naglilibot sila sa iba’t ibang bayan sa probinsya upang ma-assess ang karagdagang pinsala na naitatala ng El Niño.
Sa ngayon, mahigit 1,000 ektarya na ng taniman ng palay at mais ang apektado ng El Niño kung saan daan-daang mga local farmers ang nagkukumahog na maisalba pa ang ibang mga high value crops na hindi pa apektado ng matinding init ng panahon.
Samantala, isinisisi ng ilang municipal agriculturist sa ilang magsasaka ang naitalang malaking danyos sa pananim na hindi umano nakinig sa paalala nila na ‘wag nang magtanim dahil aabutan lamang ng El Niño.
Napag-alaman na puspusan ang pakikipag-ugnayan ng PDRRMO sa mga local government units upang makipagtulungan sa pagbibigay ng rasyon ng tubig.