TUGUEGARAO CITY – Nagsasagawa na ng clearing operation ang mga otoridad sa Lubuagan, Kalinga sa mga kalsada na nagkaroon ng landslide at rockfalls kasunod ng malakas na lindol.
Sinabi ni Mayor Joel Tagaotao, isolated ngayon ang mga barangay ng Lower, Upper at Western Uma at Tanglag matapos na matabunan ng mga guho ng lupa at malalaking bato na mula sa bundok ang kanilang mga kalsada.
Ayon kay Tagaotao na sinisikap nila na agad na mabuksan ang mga nasabing kalsada upang makarating sila sa mga nasabing barangay at makita ang kanilang sitwasyon at makapagbigay ng mga relief goods.
Sinabi ng alkalde na umaabot sa mahigit 100 pamilya na binubuo ng 536 individuals ang apektado ng nasabing sakuna.
Sinabi pa ni Tagaotao na may report na may ilang bahay sa nasabing mga barangay ang nagkaroon ng bitak.
Sa kanilang monitoring sa ibang istruktura ay may nakitang major cracks sa kanilang 4-storey municipal hall at sa ilang school buildings.
Sinabi pa niya na may naitala silang dalawang nasugatan na nahulog mula sa third floor ng kanilang bahay at nagkaroon ng fracture sa paa.
Sinabi ni Tagaotao na ang kanlurang bahagi ng Lubuagan ay malapit sa boundary ng bayan ng Lagangilang, Abra na epicenter ng 7.0 magnitude na lindol.