-- Advertisements --

CEBU CITY – Huli sa isinagawang hot pursuit operation ang apat sa limang responsable sa pagpatay at paglibing sa itinuturong drug personality sa Lungsod ng Talisay, Cebu.

Kung maaalala, natagpuang patay ang biktimang si Juniel Cabiluna matapos itong nahukay ng mga barangay tanod noong madaling araw ng Martes, Nobyembre 26, sa Barangay Lagtang ng nasabing lugar.

Ayon sa hepe ng Talisay City-Philippine National Police na si Police Major Gerard Pelare, dumulog sa tanggapan ang ama ng biktima upang kumpirmahin ang identity ng biktima kasunod ng kanilang hot pursuit operation laban sa mga suspek.

Kinilala ang mga nadakip na sina Junel Bacus, Xavier Cavier, Arwin Calinawan, at Rommel Bacacao, habang hinahanap ang isa pang responsable sa krimen.

Sinabi ni Pelare na pinag-usapan umano ng mga suspek ang diumano’y pagnanakaw at pagpatay sa biktima.

Dagdag pa ng hepe na nasa watchlist ang apat na mga suspek dahil sa illegal drug transaction, panghoholdap, at pagpatay, habang isa raw drug supplier ang biktimang si Cabiluna.

Nahulihan sina Bacus at Cavier ng mga pakete ng shabu at mga hindi lisensyadong armas.

Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong robbery with homicide, illegal possession of firearms, at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.